KASADO na ang ‘tracker team’ ng Philippine National Police (PNP) para tugisin ang mga
kinasuhang personalidad kabilang na sina suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at BuCor Directorate for Security and Operations Superintendent Ricardo Zulueta kaugnay sa pagpatay sa veteran journalist na si Percy Lapid.
Sa panayam kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., sinabi nitong tanging ang warrant of arrest na ilalabas ng korte ang kanilang hinihintay at kaagad na hahabulin ng PNP tracker team sina Bantag at Zulueta.
Sa pahayag ni Azurin, sinabi nitong patuloy ang kanilang pakiusap sa BuCor chief at iba pang sangkot sa pagpatay kay Lapid na lumantad at handa naman umano silang magbigay ng kaukulang seguridad sa mga ito kung kinakailangan.
Sinabi pa ng opisyal, batay sa imbestigasyon ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) ay hanggang sa lebel pa lamang umano ni Bantag ang nakikita nila na pinakamataas na sangkot sa pagpatay kay Lapid.
Dagdag pa ni Azurin, kung may makikitang mga bagong ebidensya na lalabas at magtuturo sa iba pang sangkot sa krimen ay maghahain sila ng supplemental affidavit at magsasampa ng karagdagang at kaukulang kaso.