KONTI na lang nga ba at hindi gaya nang dati na maya’t maya ang natatanggap mong mga text scams?
Ayon kay Senador Grace Poe kumonti na ang mga text scam na natatanggap ng publiko simula nang ideklara ni Pangulong Bongbong Marcos ang pag-ban sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Bagamat sinabi ni Poe na hindi lang mga POGOs ang nagpapadala ng text scams, isang malaking hakbang pa rin ang deklarasyon ni Marcos noong kanyang State of the Nation Address (SONA) kontra POGOs.
“So, the President’s words that legal and illegal POGOs are no longer allowed somehow made a big impact at least when it comes to these scams that we are receiving,” ayon sa senador nitong Lunes.
Dahil dito, hinimok ni Poe ang mga kasamahan na patuloy na suportahan ang total ban sa POGO sa bansa sa pamamagitan ng pagsasabatas sa tuluyang pagban sa POGOs.
“I think it will be also wise for us to have legislation, to finally pass the banning, to finally make it in writing, make it a law that no legal or illegal POGOs will be allowed to harm our country,” dagdag pa nito.
Una nang naghain si Senador Joel Villanueva ng Senate Bill No. 2752 para i-repeal ang batas para i-tax ang mga POGO at tuluyang bawiin ang kanilang mga lisensiya.
Samantala, sa kabila ng pagsasabatas sa Republic Act 11934 or SIM Registration Act, tuloy-tuloy pa rin ang mga text scam.