‘Tao’ ni VP Sara ililipat sa Women’s Correctional

INIUTOS ng Kamara ang paglilipat kay Office of the Vice President (OVP) Undersecretary Zuleika Lopez sa Women’s Correctional sa Mandaluyong City.

Sa isang dokumento, sinabi ni House committee on good governance and public accountability chair Rep. Joel Chua na inaatasan nito si House Sergeant-At-Arms Napoleon Taas para ilipat sa Correctional si Lopez.

Inilabas ang utos matapos magpulong ang komite Biyernes ng gabi at pagdesisyunan na ilipat na lamang si Lopez sa women’s facility.

Matapos ang order, humarap si Vice President Sara Duterte at Lopez sa media sa pamamagitan ng Zoom.

Ayon kay Lopez, siyam na katao ang nagtungo sa silid niya sa hatinggabi para i-serve ang order.

“I will not leave. I have my rights as a detainee in this facility. Respect that and then I told them to go out,” sabi ni Lopez.

Kinuwestyon din ni Lopez ang ginawang paghahain sa kanya ng order sa gitna ng hatinggabi at sinasabi na malinaw na may banta sa kanyang buhay.

”They bring nine [to serve the order] in the middle of the night in your pajamas. This is a threat to my life. It’s not just harassment,” sabi pa ng abogado.

”…Wala nang batas sa bansang ito,” anya pa.