KINONDENA ng Kabataan Partylist ang panukalang House Bill No. 2407 na naglalayong gawing Ferdinand E. Marcos State University ang Mariano Marcos State University (MMSU) sa Batac, Ilocos Norte.
“Di natin malilimutan ang napakaraming martir na estudyante dahil sa diktadurang Marcos. Si Liliosa Hilao, Lean Alejandro, Lorena Barros, at marami pang iba — sila dapat ang inaalala natin, hindi si Marcos Sr. na pumatay ng isang henerasyon ng mga anak ng bayan,” ani Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel.
Idinagdag ni Manuel na hindi dapat ipangalan ang paaralan sa taong nanguna umano sa pagbibigay-daan sa pagtaas ng matrikula at komersiyalisasyon sa edukasyon.
“Hindi dapat ituring na pagmamay-ari ng isang pamilya ang mga state university and college. Wala ring utang na loob ang kabataan na bigyang ‘dangal’ ang mga nasa kapangyarihan para sa edukasyon na kanilang natatamasa dahil sa buwis ng mamamayang Pilipino,” dagdag ng mambabatas.