IKINATUWA ng maraming indigent na senior citizens ang pagsasabatas ng dagdag pension para sa kanila.
Nitong Hulyo 30, nag-lapse into law ang Republic Act No, 11916 na isinulong nina Senador Grace Poe at Sonny Angara, para maitaas ang pensyon ng mga mahihirap na senior citizen sa P1000 kada buwan mula sa dating P500.
“As principal author of the measure, I thank my colleagues for supporting this important and long-overdue legislation,” ayon kay Poe na siyang principal author ng Expanded Senior Citizens Act, sa isang manipestasyon na kanyang inihayag sa mga nakaraang sesyon.
Ayon kay Poe, halos mahigit isang dekada nang pinagkakasya ng mga senior citizens ang P500 na pensyon na inilalaan ng gobyerno para sa kanila. At ito anya ay hindi na sapat sa kanilang mga pangangailangan.
“Isang dekada nang pinagkakasiya ng mga senior citizens ang P500 buwanang pensyon bagama’t ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay nagtaasan na. Masaya tayong ibalita ang pagpasa ng batas na nagtataas ng pensyon ng hindi bababa sa P1,000 upang makatulong sa mga mahihirap na senior sa bansa,” ayon pa sa senador
“Lahat po tayo tatanda. Ito’y kabayaran din sa pag-aaruga na ibinigay sa atin ng ating mga lolo at lola. Any investment we make on our elderly today will benefit us in the future,” dagdag pa nito.
Nagpasalamat naman si Angara sa pagiging batas ng kanilang panukala.
“Tayo ay nagpapasalamat at naging ganap na batas na ang pagdagdag ng social pension para sa ating mga senior citizens na ngayon ay magiging P1,000 na kada buwan,” ayon kay Angara na co-author ng Expanded Senior Citizens Act of 2010.