HANDA na ang Senado na makaharap at marinig ang testimonya ng dinismis na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo matapos itong maaresto Martes ng gabi sa Jakarta, Indonesia.
Sa isang kalatas, sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na maliliwanagan na ang lahat hinggil sa isyu ng POGO ngayon na naaresto na si Guo.
“She can now be brought to justice and, hopefully, also shed light on illegal POGO operations in the country,” ayon kay Escudero.
Binati naman ni Senador Risa Hontiveros ang mga law enforcement agencies ng Indonesia at Pilipinas sa pagkakadakip kay Guo.
Umaasa anya siyang maiuuwi agad sa bansa si Guo para makaharap na ito sa pagdinig sa Senado.
“Inaasahan ko ang pagharap ni Guo Hua Ping sa hearing ng Senado sa lalong madaling panahon. We appreciate the commitment of the NBI (National Bureau of Investigation) to turn her over to the Senate after she is processed,” ayon kay Hontiveros.
Panahon na rin na masampahan na ng kaso si Guo, ayon naman kay Senador Sherwin Gatchalian.
“Dahil nahuli na siya, dapat managot siya sa mga kasong isinampa laban sa kanya kagaya ng human trafficking, money laundering, quo warranto, paglabag sa utos ng Senado at iba pa,” ayon kay Gatchalian.
Sa Kamara, pinaghahandaan na rin quad committee ang pagharap ni Guo na siyang makapagbibigay linaw hinggil sa POGO at koneksyon nito sa iba pang criminal activities.