NGAYON na katatapos pa lang ng midterm elections ay tila ikinakasa na ang potential na labanan sa pagitan ng dalawang babae sa pagkapangulo sa 2028.
Ito ay sa pagitan nina Vice President Sara Duterte at Senador Risa Hontiveros.
Sa Kapihan sa Senado ngayong Miyerkules, sinabi ni Hontiveros na bukas siya sa planong maging pambato ng progressive bloc sa 2028 presidential elections.
“There will certainly be a progressive or reformist alternative,” pahayag ni Hontiveros.
Agad din nitong isinantabi ang posibleng pakikipag-alyansa sa administrasyon bagamat bukas ang kanyang grupong Akbayan sa pakikipagsanib-pwersa sa iba pang grupong nahahanay sa “democratic left”.
Sa ngayon, tutumbukin anila ang “unification” sa pagitan ng mga nasabing grupo.
“Pag nagawa namin yung homework na yun, ‘yun ‘yung solid core from which we can further expand or explore,” paliwanag ng senador.
Patuloy din anya ang ugnayan nila ng bagong halal na senador na sina Bam Aquino at Francis Pangilinan hinggil sa pagsasanib ng pwersa ng kani-kanilang mga tagasuporta.
Si Pangilinan ay mula sa Liberal Party habang si Aquino naman ay mula sa Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino.
Uumpisahan na rin anya nila ang pag-abot sa mga kasamahan sa iba’t ibang institusyon, kabilang na ang mga opisyal sa lokal na pamahalaan.
“‘Yung pag-reach out sa iba pang mga allies, yung pag-reach out sa mga kaalyado din, sa iba’t ibang mga institusyon, may sariling proseso, yung mga kasama sa House, gusto kong makapag-reach out sa mga kaalyado namin sa mga local government units at sa iba pang mga bahagi ng gobyerno na may kaparehas naming adhikain,” dagdag pa nito.