TILA nangangampanya na si Davao City Mayor Sara Duterte para sa kanyang ama na si Pangulong Duterte.
Ito ay matapos lumabas ang kanyang video message Miyerkules ng gabi na humihiling ng pinakamalakas na suporta para sa gagawing pagtakbo ni Pangulong Duterte sa darating na eleksyon.
“Meron kaming maayos na kasunduan ni Pangulong Duterte sa aming kani-kaniyang karera sa pulitika. Ibigay po natin sa kanya ang pinakamalakas natin na suporta sa kanyang desisyon na tumakbong vice president,” ayon kay Sara, na ang video ay pinost sa kanyang Facebook page.
Matatandaan na una nang sinabi ni Sara na may kasunduan sila ng kanyang ama na hindi siya tatakbo kung sakaling magdesisyon ang pangulo na tumakbo sa pagka-bise presidente.
Pinasalamatan din ni Sara ang 700 grupo na patuloy na sumusuporta at humihiling na siya ay tumakbo sa pagkapangulo sa darating na halalan.
“Ipinapaabot ko ang taus-puso kong pasasalamat sa may humigit-kumulang na 700 parallel groups na nag-oorganisa para ako tumakbo sa pagkapangulo. Ito ay isang karangalan na hindi nabibili, at hindi ibinibigay sa lahat ng pulitiko,” dagdag pa ni Sara.
“At hindi ko kakalimutan ang ginagawa ninyo para sa akin. Sana ay ituloy natin ang pagtulong sa ating mga kababayan kahit hindi para sa kandidatura o sa eleksyon,” anya pa.