HANDA si Vice President Sara Duterte na sumailalim sa psychiatric test gaya nang paghahamon sa kanya ng ilang mga kongresista.
“Game tayo. I will call that neuro-psychiatric exam. Pero, pero let us make this an election issue,” pahayag ni Duterte sa press conference nitong Martes ilang araw matapos ng kanyang kontrobersyal na pahayag hinggil sa pagpapahukay sa bangkay ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos at pagpapatapon dito sa West Philippine Sea.
Hamon niya sa mga bagong kongresista na humamon sa kanya na dapat magpa-psychiatric test na sumailalim din sila sa nasabing test.
“Iyong ‘Young Guns’, I am sure kasi young sila magpapare-elect pa iyan. They are running as re-electionists. So, gagawin natin dalawang tests sa akin. Kasi sinasabi nila unstable ako. Eh paningin ko naman sa kanila eh unstable din sila ‘di ba? Kasi bakit? Aatake sila, pag sumagot iyong ina-atake nila, nagagalit sila. Tinatawag nilang unstable. Eh para sa akin unstable din kayo. Bakit niyo ako inaatake, ‘di ba?” anya.
Bukod dito, hinamon niya rin ang mga ito na sumailalim sa drug test para malaman anya ng mga botante kung sino sa kanila ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
“So we call on the Philippine Medical Association, the Philippine Psychiatric Society… to set the guidelines para sa amin lahat… Lahat ng botante mag-demand ng drug test sa ating mga congressman candidates kasi unstable din sila… We need independent third party hair follicle testing,” dagdag pa niya.
Una nang tinawag si Duterte ng ilang kongresista na “unstable”, “unhinged” at “desperada”.
“As I said I am nothing of unstable, unbecoming, unsound mind. I am just unforgiving, unyielding, and unbowed,” dagdag pa nito.