MARAMI ang nainis sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa banta nitong paghukay sa bangkay ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, ama ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon mismo kay Senate President Chiz Escudero isang “unbecoming” ang pahayag ni Duterte na bukod sa paghukay ay nagbanta rin na itatapon ang bangkay sa West Philippine Sea.
Pinaalalahanan ni Escudero si Duterte na maghinay-hinay sa pananalita lalo na’t nasa harap ng publiko.
Ayon pa kay Escudero, ang ginawang pag-atake ng bise presidente sa isang namayapa na ay labag sa kaugaliang Filipino at hindi dapat ginagawa ng isang halal ng bayan.
Gayunman, sinabi ni Escudero na nirerespeto niya ang karapatan ni Duterte na magpahayag ng kanyang pagkadismaya sa administrasyon.
“Unbecoming para sa akin ‘yung mga ganyang uri ng pahayag mula sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa,” ayon kay Escudero.
Sinabi naman ni dating Senador Leila de Lima na tila may “diperensiya” ang ginawang pahayag ni Duterter.
“I honestly believe that VP Sara is a bit unhinged to say such things as throwing the body of a man out to sea and imagining to chop off the President’s head while making out her father to be a fair person who did not cross anyone,” post ni de Lima sa kanyang X account.
Binanatan din ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong si Duterte sa pagsasalaula umano nito sa isang patay na.
“This isn’t just political banter — it’s a blatant act of desecration. In our culture, we honor the dead. To use them as pawns in a political game is disgusting. Vice President Duterte should focus on addressing the misuse of public funds instead of resorting to such disgraceful tactics,” ayon kay Adiong.
Imbes umano magsalita ng ganito, hinamon ni Adiong si Duterte na sagutin na lamang ang mga akusasyon laban sa kanya.
Samantala, sinabi naman ni Senador Bato dela Rosa na hayaan na lamang ang publiko ang humusga sa naging pahayag ni Duterte.
Anya, hindi plastik na tao ang bise presidente kung kaya nasabi niya ito.
”Hindi siya plastic na tao. Kilala natin ‘yan, na prangka na tao ‘yan,” ayon kay dela Rosa.