Sara Duterte sinupalpal ng Kamara

HINDI pinayagan ni House Good Government and Public Accountability Committee Chair Joel Chua ang request ni Vice President Sara Duterte na samahan ang kanyang tauhan na si Office of the Vice President Undersecretary Zuleika Lopez na ngayon ay nakadetine sa Kamara dahil sa pagkaka-contempt sa kanya.

“Hindi naman po natin papayagan kasi hindi naman po siya detainee,” pahayag ni Chua sa isang press conference.

Paliwanag pa nito na inaalala lang umano nila ang seguridad ni Duterte na isang “high profile” individual dahil na rin sa kanyang estado bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng pamhalaan.

Hindi rin umano niya alam kung may sapat na security sa loob ng Batasan complex kung saan nakadetine si Lopez.

“I do not know if we have enough security dito para mabantayan ang pangalawang pangulo,” dagdag pa ni Chua.

Una nang sumulat si Duterte kay Chua na i-lift na ang contempt sa abogado dahil sa may iniinda itong sakit.

“For humanitarian reasons, I request for consideration of her situation,” ayon kay Duterte.

Samantala, nagpahayag din ng kanilang pangamba ang iba pang lider ng Kamara sa pagpupumilit ni Duterte na samahan ang kanyang tauhan.

Matatandaan na nagtungo si Duterte sa Kamara Huwebes ng gabi at doon namalagi para samahan si Lopez.

Nanindigan ito na mananatili sa loob ng Kamara.

Sa isang joint statement, pinakiusapan nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Deputy Speaker David Suarez si Duterte na sundin ang pinatutupad na protocol sa Kamara hinggil sa pagbisita sa mga nakadetine rito.

“Binuksan namin ang pinto ng malasakit para sa kanya, binigyan siya ng espesyal na pahintulot na bisitahin si Atty. Zuleika Lopez. Pero pagkatapos ng oras ng pagbisita na natapos nang 10:00 ng gabi, hindi siya umalis,” ayon sa pahayag ng mga kongresista.

Imbes na umalis ay nanatili si Duterte sa silid ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte.

Dahil dito, nagpatupad ng lockdown sa Kamara bilang security measure.

“Gusto naming ipaalala sa lahat, lalo na sa mga opisyal ng gobyerno, na may mga patakaran at protokol kaming sinusunod sa Malaking Kapulungan para tiyakin ang seguridad at kaayusan.”

“Hindi ito basta-basta nilalabag, kahit sino pa ang tao. Kapag hindi nasunod ang mga ito, para na rin nating sinira ang respeto sa institusyon na nagsisilbi sa taumbayan,” dagdag pa ng mga ito.