INILARAWAN bilang “out of order” ng isang opposition leader ng Sabah, Malaysia ang hiling ni Sen. Francis Tolentino sa administrasyong Marcos na bawiin ang Sabah base sa arbitration award sa mga tagapagmana ng Sulu sultanate.
Ayon kay Warisan deputy chief at Penampang MP Darell Leiking, nakapagdesisyon na si Pangulong Marcos na ang paggawad ng Sabah ay isang “private claim” kaya pagsasayang lang ng oras at walang dahilan para pilitin ni Tolentino ang pagbawi rito.
“Sabah remains firmly a territory of Malaysia under international law since 1963, and no claim can override that,” giit ni Leiking.
Ipinunto ni Leiking na kamakailan ay inihayag ni dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ang arbitration award sa mga tagapagmana ng Sulu sultanate ay hindi usapin ng soberenya kundi isang pribadong bagay.
Nitong Miyerkules ay hinimok ni Tolentino si Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo na samantalahin ang pagbawi ng Pilipinas sa Sabah base sa panalo ng mga tagapagmana ng sultanato sa arbitration court sa Europe.
Punto ni Leiking: “Tolentino failed to see that the win was ludicrous, as the heirs used the arbitration route which was wrong when the claimants should have pursued their claims to reinstate a RM5,300 monthly payment via the High Court in Sabah.”
Dagdag niya, dapat ipatawag ng Ministry of Foreign Affairs ng Malaysia ang ambassador ng Pilipinas at mag-isyu ng babala kaugnay sa pahayag ni Tolentino.
“Also, it is ironic that Tolentino is recognising a claim made by a Sulu sultanate, which the country itself had not recognised. The last I checked, his country was a republic,” dagdag ni Leiking
Nitong Marso ay nagpasya ang French arbitration court na kailangang bayaran ng Malaysia ang mga tagapagmana ng sultan ng Sulu ng RM62.59 bilyon o mahigit P793 milyon bilang kompensasyon.
Sa ilalim ng kasunduan noong 1878, ipinagkaloob ng noon ay sultan ng Sulu na si Sultan Jamal Al Alam ang soberaniya ng malaking bahagi ng Sabah kay Baron de Overbeck, ang noon ay maharaja ng Sabah, at kay Alfred Dent ng British North Borneo Company kapalit ng taon-taon na bayad na RM5,300.
Simula noong 1963 ay ang pamahalaan na ang umako sa pagbabayad makaraang makuha ng Sabah ang kalayaan nito at mabuo ang Malaysia. Tumigil lamang sa pagbabayad ang pamahalaan nang tinangkang sakupin ng mga tauhan ng umano’y sultan ng Sulu na si Jamalul Kiram III ang bayan ng Lahad Datu sa kanlurang bahagi ng Sabah.