NAGPAHATID ng kanyang pasasalamat sa Singapore si Speaker Martin Romualdez dahil sa tulong na ipinagkaloob nito para sa mga biktima na sinalanta ng Severe Tropical Storm Kristine.
Partikular na pinasalamatan ni Romualdez ang Singaporean Air Force assets na nagdala ng mga tulong sa pinakaapektadong lugar sa bansa.
Nagpasalamat si Romualdez kay Singapore President Tharman Shanmugaratnam at Ambassador to the Philippines Constance See dahil sa ipinadala na C-130 aircraft para magpahatid ng tulong sa libo-libong nasalanta ng bagyo.
“Nagpapasalamat kami sa pamahalaan ng Singapore, lalo na kay President Tharman Shanmugaratnam at sa kanilang embahadora dito sa Pilipinas, si Ambassador Constance See, para sa kanilang maagap na pagtulong sa ating bansa,” ayon sa lider ng Kamara.
“Ang tulong na kanilang ipinadala, lalo na ang C-130 aircraft mula sa Singapore Air Force, ay magagamit natin sa mabilis na paghahatid ng relief goods sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo,” dagdag pa nito.
Ang tulong na ipinadala ng Singapore ay malaking tulong sa isinasagawang relief operations ng paahalaan.
“We truly appreciate this gesture. Singapore is a true friend of the Philippines.”
Samantala, nakapagpalabas na ang Kamara ng P411 milyon na tulong sa 22 distrito na apektado ng bagyo.