Romualdez kay VP Sara: Dumalo ka kasi sa House probe

PINAYUHAN ni Speaker Martin Romualdez si Vice President Sara Duterte na humarap sa pagdinig ng Kamara at huwag hayaan ang kanyang mga tauhan lang ang magpaliwanag tungkol sa kung paano ginasta ng kanyang tanggapan at Department of Education ang P612 milyong confidential funds.

“Eh ‘di dapat lang siyang sumipot at mag-oath at mag-salita at mag-eksplika dahil lahat ng mga opisyales niya… siya lang yata may alam kung anong nangyari diyan sa mga pondo eh kaya dapat siya ang mag-eksplika,” pahayag ni Romualdez sa isang panayam sa Albay.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na harapang sinita ni Romualdez si Duterte dahil sa patuloy nitong pangdededma sa isinasagawang pagdinig ng Kamara hinggil sa kontrobersyal na paggasta ng OVP at DepEd sa confidential funds.

Ayon kay Romualdez, hindi dapat iasa lang ni Duterte sa kanyang mga tauhan ang pagpapaliwanag sa kinukuwestyong pondo.

“’Wag na niyang ibigay sa mga officials niya sa OVP at sa DepEd. Sana lang magsalita,” ayon pa sa opisyal, kasabay ang pagsasabi na tanging ang pangalawang pangulo lamang umano ang makakasagot tungkol sa kung paano nga ginastos ang pondo.

Matatandaan na isang beses lang sumipot si Duterte sa pagdinig ng Kamara at tumanggi pa itong manumpa.

Umaasa si Romualdez na dadalo si Duterte sa susunod na pagdinig sa Nob. 25.