HINAMON ni House Speaker Martin Romualdez ang dating pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Davao City Mayor Sebastian Duterte na maglabas ng ebidensya kaugnay sa mga alegasyon nila laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nitong Lunes ay nag-isyu ng pahayag si Romualdez kaugnay sa ginawang pagtawag na “bangag” ng matandang Duterte sa Pangulo.
Idinagdag ng dating opisyal na nasa drug list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Marcos. Samantala, pinayuhan ni Sebastian na magbitiw sa puwesto ang Pangulo kung may pagmamahal ito sa bayan.
“So unless you have proof na ‘yung mga alegasyon ninyo na kung bakit nananawagan diyan na sa ating mahal na Presidente Ferdinand R. Marcos na bumaba sa pwesto sana mag isip-isip muna kayo, mag-isip muna kayo at ilabas ‘yung mga pruweba. Kasi alam natin hindi totoo ang mga sinasabi ninyo,” ani Romualdez.
Tinawag din niyang pambubudol sa publiko ang mga pahayag ng mag-ama.
“Tigilan n’yo na ‘yung mga budol-budol n’yo ‘di ba. Dapat seryoso na tayo at igalang na lang natin ang ating Presidente na nagtatrabaho ng maigi. Masipag sya at talagang tinatrabaho n’ya ‘yung magandang buhay para sa mga Pilipino,” aniya.
“Masyadong maaga naman ninyo gustong ipabagsak ang rehimen ng President Ferdinand R. Marcos Jr., very popular and he was elected with a bigger mandate than the former president. Kaya’t igalang naman natin ‘yan. ‘Yan po ang mandato ng taumbayan ng Pilipinas,” dagdag ng Speaker.
‘Uncalled for, baseless, disrespectful’
Samantala, nagpahayag din ng pagsuporta sa pangulo ang iba pang lider ng Kamara.
Ayon kay Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez ang ginawang panawagan ni Davao City Mayor Baste Duterte ay “uncalled for, baseless, disrespectful.
“Yung mga nabanggit sa Davao calling for his resignation I think is totally disrespectful, of the man given the position that he holds, and … has no basis whatsoever,” pahayag ni Suarez.
Anya, nakita naman na ng taongbayan sa loob ng dalawang taon ang performance ni Marcos.
“We have seen his commitment to the Filipino people, na hindi maaksaya ang tiwala na ipinagkaloob sa kanya nung siya ay manalo bilang Pangulo,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi naman ni Rizal Rep. Michael John Duavit na bagamat nirerespeto niya ang right to expression ng lahat, tutol naman anya siya sa naging pahayag ng alkalde.
“Everybody’s got a right to an opinion, everybody’s got a right to express it. I’ll just express mine: I disagree, as simple as that.”
Maging si Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. ay kontra sa hiling ni Baste na magbitiw sa pwesto si Marcos.
“Ako naman po, ang masasabi ko lang, we have to respect the Office of the President. Saka nagtataka po kami bakit pinapa-resign si President BBM, wala po tayong basehan, napaka-sipag (ng Pangulo),” anya.