Robin Padilla tatakbong senador

TATAKBONG senador ang aktor na si Robin Padilla sa ilalim ng paksyon ng PDP-Laban ni Energy Secretary Alfonso Cusi.


Sumapi si Robin at kapatid niyang si Rommel sa nasabing partido nitong Martes, tatlong araw bago ang deadline ng paghahain ng kandidatura para sa 2022 elections.


Kinumpirma ni Melvin Matibag, secretary general ng Cusi wing, na tatakbo sa Senado sa kanilang tiket si Robin habang sa pagkakongresista sa unang distrito ng Nueva Ecija ang target ni Rommel.


Nagwagi bilang board member ng Nueva Ecija si Rommel noong 2007.


Ayon kay Matibag, kasali ang pangalan ni Robin sa inisyal na listahan ng mga potensyal na kandidato ng partido.


“Ang tinitingnan natin dito ay winnability. Siyempre tinitingnan din natin dito track record at relationship sa pangulo,” dagdag ni Matibag. –A. Mae Rodriguez