Remulla dinipensahan si Isko sa ‘parang callboy’ isyu

IPINAGTANGGOL ni Cavite Governor Jonvic Remulla si Manila Mayor Isko Moreno sa mga natatanggap na panunutya ng alkalde kaugnay sa mga malalaswang larawan nito noong ito ay artista pa.


Sa Facebook, sinabi ni Remulla na hindi isyu ang nakaraan ni Moreno.


“What’s important is that Yorme NEVER LIED, DID NOT STEAL, KILL nor did he ever brought shame to the great people of Manila as a Public Servant,” ani Remulla.


Ipinunto ng gobernador na ang mga larawan ay kinunan noong hindi pa opisyal si Moreno.


“Dahil sa kanyang pag-aartista, hindi maiiwasang maraming sensitibong larawan ang nagkalat sa internet ngayon.

Ngunit lahat ng ito ay kuha noong siya ay nagsisimula pa lamang,” dagdag niya.


“He was very young then. I am sure the limelight was quite tempting for a young lad from a very poor background. And why not? The opportunity for him to earn a living was readily available,” sabi pa ni Remulla.


Hindi naman pinangalanan ng gobernador ang personalidad na nanlait kay Moreno, pero matatandaang hinikayat ni Pangulong Duterte ang publiko na huwag iboto bilang presidente ng Pilipinas ang isang Metro Manila mayor na may kumakalat na malalaswang larawan sa internet.


“Para bagang bigla na lamang panggigipit at pilit na pang-aalipusta sa butihing Alkalde ng Maynila. Kasama na rin dito ang paglurak ng mga nakakataas sa kanyang pagkatao… Kahit kailanman ay hindi ipinagkaila ni Yorme ang kanyang nakaraan. Siya ay batang Tondo at nagsimula sa wala. Isang kahig, isang tuka,” hirit pa ni Remulla.


“Hindi tama na tapaktapakan ang nakaraan, paninindigan at reputasyon ng isang taong wala namang kalaban-laban. Ang paghuhusga ay ilaan na lamang po natin sa mga taong lumabag sa batas o siyang mga nagtraydor sa bayan,” dagdag niya.


Matatandaang nagkaroon ng alitan sina Remulla at Moreno makaraang sabihin ng huli na tila napapabayaan ang mga residenteng taga-Manila na na-relocate sa Naic, Cavite.


Agad namang naayos ang gusot ng dalawa.
Kaugnay nito, umapela si Vice President Leni Robredo sa mga politiko na tigilan ang pangangalkal ng nakaraan ng kanilang mga kalaban sa politika sa gitna ng pandemya.


“Kung itutuon natin ang lakas natin sa pagtutulungan kaysa sa bangayan, mas marami tayong magagawa. ‘Yung oras at energies na ginugugol sa pasaring at panlalait, magiging mas productive ‘yan kung itulong halimbawa sa Bayanihan E-Konsulta o sa iba pang Covid-related initiatives,” ani Robredo sa kalatas.