WALA sa mga plano ni Sen. Raffy Tulfo ang tumakbo sa 2028 presidential elections, sabi ng kanyang kapatid na si House Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo.
Sa isang panayam, tahasang sinabi ni Rep. Tulfo na kahit nag-tie sina Sen. Tulfo at Vice President Sara Duterte sa pinakabagong Pulse Asia presidential survey ay hindi tatakbo sa pagkapangulo ang kapatid dahil ayaw nitong sumakit ang ulo.
“Napag-usapan ‘yan, and he said no. He doesn’t want to run because it’s a major, major headache,” hirit ni Rep. Tulfo.
Nakakuha ng 35 porsyento sa survey si Sen. Tulfo habang naka-34 porsyento si Duterte.
Tikom din ang bibig ng kongresista sa kanyang plano makaraan namang manguna sa senatorial survey.
“It’s very very far and there’s a lot of problems to be solved for us right now instead of thinking of elections, di ba? Parang walang iniwan po ‘yan sa isang bahay. Marami kang problema. Iisipin mo na kaagad ‘yung promosyon mo, ‘yung negosyo mo. Punahin mo muna ‘yung sa loob ng bahay,” pahayag ng mambabatas.