WALANG makapipigil sa self-proclaimed “Son of God” na si Pastor Apollo Quiboloy na tumakbong senador sa darating na eleksyon.
Ito ay dahil hindi pa naman convicted by final judgment si Quiboloy na nahaharap sa patong-patong na kaso ng sexual abuse at human trafficking, ayon kay Senate President Chiz Escudero.
“Karapatan niya ‘yun dahil hindi pa naman siya convicted by final judgement na nagdi-disqualify sa kaniya na tumakbo o umupo o humawak ng anumang puwesto sa pamahalaan,” ayon kay Escudero sa Kapihan sa Senado nitong Huwebes.
“Conviction sa mga krimen, by final judgment, sa mga krimen na inakusa sa kaniya, kabilang sa mga accessory penalty non ay absolute perpetual disqualification to hold public office. Subalit, hindi pa naman final nga, wala pa ngang conviction, at hindi pa naman final. So may karapatan pa siyang tumakbo,” dagdag pa ng opisyal.
Matatandaan na naghain ng kanyang kandidatura nitong Martes, Okt. 8, 2024, sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Mark Tolentino.
Nadakip si Quiboloy noong isang buwan matapos ang ilang araw na paghalughog sa compound ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City.