HUMIRIT ang labor lawyer na si Sonny Matula at Workers’ and Peasants’ Party (WPP) sa Korte Suprema para idiskwalipika ang kandidatura ng detinadong si Apollo Quiboloy.
Sa kanilang petition for certiorari na isinampa nitong Miyerkules, hiniling ni Matula at WPP na baliktarin ang naunang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na pumapayag na makatakbo pa rin si Quiboloy sa kabila ng mga asuntong kinakaharap nito.
Dis. 18, 2024 nang ibasura ng Comelec First Division ang petisyon para idiskwalipika si Quiboloy dahil sa kulang umano ang factual at legal basis.
Sinegundahan naman ito ng Comelec en banc matapos maghain ng motion for reconsideration ang kampo ni Matula.
Sa kanyang petisyon sa Korte Suprema, sinabi ni Matula na “double standard” ang pinaiiral ng Comelec dahil sa naging mahigpit ito sa ibang kandidato ngunit naging maluwag naman kay Quiboloy.
Nahaharap sa kasong qualified human trafficking at child abuse si Quiboloy.
“Allowing Quiboloy to run for office while facing such severe allegations sends a troubling message to the public. It trivializes the electoral process and undermines its purpose as a mechanism for selecting leaders genuinely committed to public service,” pahayag ni Matula.