Princess Abante kay Imee Marcos: Huwag makisandok sa hindi mo kusina

BINAKBAKAN ni House of Representatives Spokesperson Princess Abante si Senador Imee Marcos sa pakikialam nito sa mga usapin ng Kamara.

Ayon kay Abante, hindi dapat magdikta si Marcos sa kung anong dapat gawin ng Kamara, lalo pa’t sa isyu ng liderato nito.

“I can only echo ang mga statements ng mga house leaders na ang makakapagdikta lang kung sinong mamumuno sa House of Representatives ay ang mga miyembro lamang ng House of Representatives hindi dapat dinidiktahan ng sinuman,” ayon kay Abante sa panayam nito sa ANC.

Bakbak pa ni Abante hindi dapat “nakikisandok” ang senador sa hindi naman niya “kusina.”

“May mga nakapagsabi rin sa atin na dapat ay huwag tayong makisandok sa hindi naman natin kusina,” ayon sa tagapagsalita ng Kamara.

Ginawa ni Abante ang pahayag matapos okrayin ni Marcos si Speaker Martin Romualdez nang bumoto siya para i-archive ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte nitong Agosto 6.

“Sa mga mahal kong kongresista, may suggestion po ako. Suggestion lang naman. Huwag nyong masamain. Kesa inaatupag nyong palitan ang pinili ng taumbayan, ibinoto at minahal, bakit di nyo na lang palitan ang tao na kayo lang naman ang pumili?” ayon kay Marcos.

“Ano kaya kung yung Speaker nyo na lang ang palitan nyo?,” dagdag pa nito.

Naniniwala si Abante na hindi dapat nagbitiw ng ganong pahayag si Marcos laban kay Romualdez lalo pa’t kapwa silang mambabatas.

“Ito po ay hindi nararapat para sa isang public official na gagawing magdedeklara ng mga ganong statement laban sa kapwa nila opisyal lalong-lalo na sa isang lider ng ibang institution,” hirit pa ni Abante.