MAGLALARO na lamang sa P70 hanggang P80 ang presyo ng kada kilo ng refined sugar sa Nobyembre.
Ito ang tiniyak ngayong Martes, Setyembre 20, ni Acting Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Dave Alba.
Magiging establisado umano ang presyuhan ng refined sugar sandaling dumating na ang mga inangkat na asukal ng pamahalaan.
“Seventy pesos to P80 is a good price hopefully by November, once all the imported refined comes, you should see a stabilization on the prices,” sabi ni Alba sa isang press conference.
Sa ngayon, umaabot ang isang kilo ng puting asukal ng P90 hanggang P105 sa mga palengke.
Idinagdag ni Alba na inaasahang darating na ang lahat ng 150,000 metric tons nang aangkating asukal sa Nobyembre 15, 2022.
Kasabay nito, sinabi ni Alba na pinayagan nang maibenta sa merkado ang mga suplay ng asukal na nakasama sa raid ng mga bodega matapos namang makapagprisinta ng mga papeles ang mga may-ari nito.
“Those that have complete papers are already starting to go in the market,” dagdag ni Alba.