INAPRUBAHAN na ng Senado ang bicameral committee report kaugnay ng panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang eleksyon ng barangay at Sangguniang Kabataaan na nakatakda sanang gawin sa Disyembre 2022.
Sa ilalim ng pinakahuling bersyon, imbes na Disyembre 2023, itatakda ang halalan sa unang Lunes ng Oktubre 2023.
Inaasahan naman itong mararatipikahan din ng Kamara bago ang nakatakdang isang buwang bakasyon ng Kongreso simula Oktubre 2022.
Ito’y sa harap ng pahayag ng Commission on Elections na tuloy-tuloy ang paghahanda para sa eleksyon sa Disyembre hanggat hindi tuluyang nasasabatas ang panukala.