NANAWAGAN ngayong araw si Senador Grace Poe sa Malacanang na suspindihin ang koleksyon ng excise tax sa gasolina at diesel dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Poe, malaking tulong ang suspensyon ng pangongolekta ng excise tax sa gasolina at diesel para maibsan ang paghihirap ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan, delivery rider at nagbibiyahe ng ani ng mga magsasaka na direktang apektado ng sunod-sunod na oil price hike.
Naipasa ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion law noong 2017 na nagpapatong ng excise tax sa mga produktong petrolyo simula noong 2018. Unang ipinatupad ang ang excise tax sa diesel sa P2.50 kada litro noong Enero 2018, tumaas sa P4.50 noong Enero 1, 2019, at sa P6 kada litro noong Enero 1, 2020.
Para sa gasolina, nag-umpisa ang excise tax sa P8 kada litro noong Enero 2018, tumaas sa P9 noong Enero 2019, at sa P10 kada litro noong Enero 2020.
“Patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa walong magkakasunod na linggo. Mapapababa ng pamahalaan ang pabigat na ito sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagsuspinde sa koleksyon ng excise tax sa ngayon,” saad ni Poe.
“Makakatulong ang suspensyon ng excise tax sa petrolyo sa paglaban sa gutom, pagtulong sa mga PUV driver at delivery rider at pagbiyahe ng mga produkto,” dagdag pa ng senador.