PINAYAPA ng Philippine National Police (PNP) ang publiko ukol sa umano’y namumuong kudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo, tiyak si PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na walang anumang pagkilos para pabagsakin ang pamahalaan.
“Kausap ko ang ating Chief PNP kanina habang siya ay nasa meeting at sinabi niya na there is no destabilization plot, there is no coup d’état. ‘Yun ang sagot ng ating Chief PNP,” ani Fajardo.
Dagdag niya, anumang balita ukol dito ay fake news.
“Let us be cautious sa mga naririnig natin na mga bali-balita, but on the part of the PNP wala tayong namomonitor na any destabilization plot or coup d’état,” pahayag ng opisyal.
Iginiit pa ni Fajardo, hindi paaapekto ang PNP sa mga isyung pampulitikal na kinahaharap ng administrasyon.
“The PNP remains focus sa ating mandato at kung anuman ‘yung mga naririnig natin balita at mga political issues ay hindi nito maapektuhan ang PNP. Alam natin ang ating mandato at mananatili tayo pagtupad ng ating tungkulin at kasama na diyan ‘yung pag-uphold at pagrespeto sa rule of law,” wika niya.
Matatandaang nagbabala si dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Pangulong Marcos na maaari nitong sapitin ang kapalaran ng ama na si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na pinaalis sa puwesto ng mga Pilipino noong 1986.