BUBUSISIIN ng Philippine National Police (PNP) ang rebelasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na merong death squad noong siya ay alkalde pa ng Davao City.
Ayon kay Brig. General Jean Fajardo, iniutos na ni PNP Chief General Rommel Marbil ang “extraction” ng mga datos hinggil sa mga unresolved drug-related deaths na kagagawan diumano ng death squad.
Dagdag pa ni Fajardo, iimbestigahan din ng PNP ang lahat ng impormasyon at testimonya na inilahad sa pagdinig sa Senado.
“The PNP is acting on all revelations, but if you monitored all the statements of the former president, at first, he confirmed the existence of the death squad but took it back later on,” she said.
Sa hearing nitong Lunes sa Senado, inamin ni Duterte na inorganisa niya ang seven-man hit squad nang siya ay mayor pa ng Davao. Gayunman, sinabi niya na walang mga pulis na miyembro ito.
Sinabi rin nito na ang mga itinalaga niyang PNP chief noon na sina Ronald “Bato” dela Rosa na ngayon ay senador, at mga retiradong heneral na sina Vicente Danao, Archie Gamboa, at Debold Sinas — ay nanguna sa nasabing death squad.
Gayunman, iginiit ng dating pangulo na hindi siya nag-utos ng pagpatay sa mga nahuhuling suspek sa droga.