VLOGGER na rin si Partido Reporma presidential candidate at Senador Panfilo Lacson.
Ito ay matapos ilunsad ngayong araw ang Iping TV Channel sa YouTube at unang itinanghal ang pagpapakilala kay Lacson ng kanyang pamilya — mula sa kanyang misis na si Alice de Perio at mga anak na sina Jay at Pampi, at maging ang mga long-time security aides.
Sa pagsasalarawan ni Gng. Lacson sa Partido Reporma standard bearer, indirekta nitong pinabulaanan ang impresyon na suplado ang pambato ng partido.
“Hindi ako natakot [kasi] ‘pag nakita mo naman at nakausap mo siya, mabait siya,” maiksi pero seryosong paglalahad ni Gng. Lacson.
Sa panig naman ng anak na si Jay, hindi niya malimutan kung paano sila hinubog ng ama na maging palasimba at madisiplina.
“‘Nung buhay pa sila lola’t lolo talagang every Sunday pumupunta kami ng Imus, kahit puyat ng Sabado” pagsiwalat ng nakababatang Lacson.
Pagdating naman sa disiplina, oras ng pag-uwi aniya ang kanilang nagiging batayan.
“‘Nung time kasi namin, ‘yun nga kahigpitan pa rin ni daddy noon kasi nasa pulis pa siya ‘non e. Basta ‘yung pinag-usapan na oras ng uwi, kailangan sumunod. ‘Pag lumagpas ka, makakatikim ka talaga,” banggit pa ni Jay patungkol sa kanilang mga magkakapatid.
Nagpahiwatig din si Lacson ng mga senyales na maaring makita sa kanya kapag may nagawang hindi maganda ang kanyang mga tauhan.
“Ako pagka kasi late, ang ugali ko, hindi ko kino-confront—hindi ko kinakausap maghapon,” paglalahad ni Lacson.
At ayon naman kina Dancel at Sampilo, ito ay tinutugon na lamang nila ng pag-iwas na maulit muli ang mga tingin ay mga pagkakamaling nagawa na dahilan para hindi sila kibuin ni Lacson.
Ang iba pang kuwento tungkol kay Lacson ay ipapalabas sa nabanggit na Youtube channel sa mga susunod na araw.