PUERTO PRINCESA CITY, PALAWAN—Para kay Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson, diplomasya pa rin ang pinakamabisang paraan para maresolba ang mga isyu hinggil sa West Philippine Sea (WPS).
Batay sa kanyang personal na obserbasyon matapos ang pagbisita sa Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan nitong Sabado, iginiit ni Lacson na ang paglikha ng “balance of power” ang makakatulong sa Pilipinas para madepensahan nito ang sariling teritoryo.
Naniniwala si Lacson na ang pakikipagtulungan sa malalakas na bansa para suportahan ang freedom of navigation sa pinag-aagawang karagatan sa WPS, ang makakapagpatigil sa China sa pambu-bully nito sa mga kalapit na mahihinang bansa, na sinusunod ang maritime rights sa kanilang exclusive economic zones (EEZ).
“Common fishing ground, tapos common possession, ’yun ang pinag-uusapan diyan. Pero para i-bully mo ‘yung kapitbahay mo na para paalisin mo doon sa kanila mismong teritoryo, like the Ayungin Shoal, sa akin (that’s unacceptable),” sabi ni Lacson sa mga mamamahayag na nakabase sa Palawan, noong Sabado.
Tinukoy ng presidential candidate ang pag-atake ng mga Chinese Coast Guard laban sa mga hindi armadong lokal na barko, gamit ang water cannon. Magbibigay sana ito ng supply sa mga Pilipinong sundalo na nasa BRP Sierra Madre na nakapuwesto sa Ayungin Shoal, noong Nobyembre 16.
Kinikilala ni Lacson na malakas ang China pagdating sa kanilang kagamitang pangmilitar at impluwensya sa ekonomiya.
Kaya naman malalagay umano sa alangin ang Pilipinas kung direkta nitong kokomprontahin ang puwersa ng China. Kinakailangan umano na mapalakas natin ang alyansa sa iba pang bansa na kayang harapin ang lakas nito.
“Hindi natin kaya talaga mag-isa na i-confront ‘yung China. So, hihingi tayo ng tulong sa mga malalakas na bansa,” sabi ni Lacson.
Positibo naman ang reaksyon ni Lacson sa mariing pagtutol ng mga kaalyadong bansa tulad ng United States, laban sa agresibong aksyon ng China at pagtatanggol sa posisyon ng pamahalaan tungkol sa WPS.
Sinabi ng batikang mambabatas na sinusuri ng US ang posibilidad na palakasin nito ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Pilipinas, para makatulong sa pagprotekta ng mga hangganan ng bansa at maiwasan ang mga ganitong pag-atake sa hinaharap.
“Gusto nilang (US) i-enhance (pa ‘yung EDCA) including funding requirements. Sa tingin ko medyo nagiging agresibo nang kaunti ‘yung United States pagdating sa usapin sa West Philippine Sea, which is a good indication,” sabi ni Lacson.