POSIBLENG galing sa abroad ang mga personalized spam text na natatanggap ng mga milyon-milyong mobile subscribers, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay DICT Undersecretary Alexander Ramos na nakikipagtulungan na ang ahensiya sa ibang bansa para malaman ang mga IP address ng mga pinagmulan nito.
“Meron na kaming leads kung saan talaga ito nangyayari. Ang theory namin dito ay hindi ho ito local. Nagkataon lang na ang sistema is parang automated,” sinabi niya.
“Ito ay hindi nangyayari sa Pilipinas lang, nangyayari rin ito sa ibang bansa kaya it’s a bigger effort, a bigger investigation para matukoy itong destination sites,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Ramos, Executive Director din ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), na inimbestigahan na ito ng National Commission Privacy kung na-hack ang mga server ngunit wala itong nakita.
Titingnan din nito ang mga pagbili ng bultuhang SIM card para malaman kung saan nanggagaling ang spam texts.
“Isa ‘yan sa paraan sa pag-trace sa pinag-orderan ng telco companies, na produce [nila] ang listahan kung sino ang mga individual o mga dealer… Isa ‘yan sa mga leads natin sa direksyon kung saan nagagamit itong SIM cards na ‘to,” sinabi niya.