HINDI dapat mangamba ang mga retiradong personnel ng military at government workers hinggil sa mga balitang babawasan o tatanggalan sila ng pensyon.
Ayon kay House Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, tuloy at walang mababawas na pension ng retired government workers at military personnel, dahil nananatiling intact ang pondo para rito.
“Walang dapat ikabahala ang mga retiradong government at military pensioners at kanilang mga kaanak. Intact at sapat po ang pondo para sa kanilang pensyon,” paliwanag ni Suarez.
Ginawa ni Suarez ang pahayag sa gitna ng alegasyon ni Senador Imee Marcos na tinapyasan umano ng Kongreso ang pondo para sa mga retired government personnel at inilipat sa ibang programa na may bahid ng politika.
Paliwanag ng mambabatas mula sa Quezon, may sapat na “allowance” o pa-sobra ang pondo para sa retired government workers kaya hindi ito kakapusin.
Nilinaw rin ng mambabatas na ang 2024 budget ay pinagtibay ng buong Senado at Kongreso.
“Lahat ng probisyong nakapaloob sa budget ay dumadaan sa masusing pagsusuri. Wala naman pong maaring maganap na realignment o paggalaw ng budget na hindi pinapagtibay ng dalawang kapulungan,” diin pa ng kongresista.