HINDI pa man nagsisimula ang campaign period, umabot na sa bilyong piso ang political ads nina Senador Imee Marcos at Las Piñas Rep. Camille Villar.
Kapwa senatorial bets sina Marcos at Villar.
Sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), nakapag-ere si Marcos ng 271 TV and radio ads na nagkakahalaga ng P21 milyon simula noong Enero 2023.
Nadagdagan pa ang mga ito at noong Setyembre ay umabot ang kanyang ad spots sa 1,145 at gumastos ng P303 milyon para sa nasabing buwan lang.
Umabot sa P1 bilyon ang ginastos sa kanyang political ads mula Enero hanggang Setyembre 2024, base sa data na nakuha ng PCIJ mula sa Nielsen Ad Intel.
Hindi lang ang kampo ng presidential sister ang gumastos ng P1 bilyon para sa political ads, dahil maging ang anak ni Senador Cynthia Villar na si Camille na tumatakbo ring senador sa 2025 midterm elections ay bilyong piso na rin ang gastos bago pa ang paghahain ng certificate of candidacy noong Oktubre.
Base sa datos nitong Disyembre, si Villar ang naitalang top spender sa Facebook, na nagbayad sa Meta ng P13 milyon para i-boost ang kanyang mga posts.
Marso nang paunti-unting naglagay ng mga ads si Villar hanggang noong Agosto nang simula nito ang pagbuhos ng ads, dalawang buwan bago ang COC filing at umabot ito ng P598 milyon. Noong Setyembre, umabot ng P477 milyon ang kanyang political ads.
Sa report pa ng PCIJ, ang mga ads nina Marcos at Villar ay 50 porsiyento ng kabuuang P4.1 bilyong political advertisements na inilatag bago ang COC filing.
Sa mga huling survey ng ginawa ng Pulse Asia at Social Weathes Stations (SWS) nitong Disyembre, kapwa nasa hulihan ng magic 12 sina Marcos at Villar.