INALMAHAN ni Pangulong Bongbong Marcos ang kumakalat na tsismis na isinugod umano siya sa ospital dahil sa matinding karamdaman.
Binansagan din ng pangulo bilang “fake news” ang nasabing balita, nang makapanayam ng mga reporter sa sidelines ng situational briefing hinggil sa bagyong Enteng sa Office of Civil Defense Martes ng umaga
“Nandito ako. Ah, kasi lumabas ‘yung ano, ‘yung report — ‘yan ang kailangan ninyong bantayan. Do I look sick? ‘Yan ang kailangan nating bantayan, mga fake news na ganyan, unless it comes from a credible source,” pahayag ni Marcos nang mausisa hinggil sa umano’y medical emergency sa Palasyo.
“Tama, ang dami kong kaibigan tumawag sa akin, ‘Okay ka ba, Okay ka ba?’ Wala! Kalokohan lang ‘yan,” dagdag pa nito.
Paliwanag pa ni Marcos meron siyang meeting nitong Martes at siya pa mismo ang nag-preside ng command conference hinggil sa pananalasa ng bagyong Enteng.
“I spent the rest of the day reading my briefs and doing paperwork. Nagulat lang ako when they said medical emergency,” pahayag pa nito.
“I do not even have a cold, I do not have anything wrong with me. I’m fine. Thank you for your concern,” anya pa.