Pasabog ni Pacman watusi– Palasyo


WALANG kwenta. Watusi.


Ganito inilarawan ng Malacañang ang mga isiniwalat ni Sen. Manny Pacquiao ang mga umano’y katiwalian sa administrasyong Duterte.


“Watusi. Akala ko atom bomb, ‘yun pala watusi. Walang kwenta kasi puro generalized allegations po. Walang particulars, walang specific instance, walang ebidensya,” ani presidential spokesperson Harry Roque.


Matatandaang isiniwalat ni Pacquiao nitong Sabado na talamak ang korupsyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DOE) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).


Nagtataka rin si Roque kung paano sisimulan ang mga imbestigasyon ukol sa kanyang mga isiniwalat gayong nakaalis na ito ng bansa para sa kanyang laban kay Errol Spence sa Agosto.


“Gaya nga po ng sinabi ni Senator (Richard) Gordon, paano naman ‘yan? Magpapaimbestiga siya sa Senado pero wala ‘yung proponent? Sino yung magtatanong?”ani Roque.


“Hindi po ganyan ang trabaho ng Senado. Dapat po ayusin muna ang trabaho niya bilang isang senador. Patunayan ang kanyang mga paratang dahil kung hindi po, politika lang po talaga ang mga pinagsasasabi ni Senator Pacquiao,” dagdag ng opisyal. –WC