UMUSAD na sa plenaryo ang panukalang ibaba ang retirement age sa 56 mula sa kasalukuyang 60 na taon.
Sa kanyang sponsorship, sinabi ni ACT Teachers party-list Rep. France L. Castro na sa ilalim ng House Bill 206, papayagan ang mga kawani na nakapagserbisyo ng 15 taon na magretiro na.
“Simula noong 16th Congress pa namin unang inihain ang ganitong panawagan—na nagmula lamang sa malawak na sektoral na kahilingan mula sa public school teachers. At sa paglipas ng siyam na taon, naging mas responsive ang panukalang ito sa kahilingan ng maraming government employees gaya ng education sector personnel, ang mga nasa sektor pangkalusugan, local goverment units, sangay hudikatura, at iba pang opisina ng pamahalaan. Sa panahong ito, nakatanggap ang aming opisina at ang Komite ng napakaraming position paper, mensahe, at iba pang pahayag ng pagtulak at suporta para sa mas maagang optional retirement age,” sabi ni Castro.
Marami sa mga empleyado ang may nararamdaman ng karamdaman.
“Marami sa mga kababayan nating ito ay may mga inaalagaan nang mga sakit at kondisyon, hindi na kaya o hindi mainam para sa kanilang kalusugan ang araw-araw na pagsabak sa work-related at iba pang uri ng stress,” aniya.