NANINIWALA ang sinasabing drug lord na si Kerwin Espinosa na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na patayin ang kanyang ama na si dating Albuera Mayor Rolando Espinosa noong 2016.
Sa ika-walong pagdinig ng House quad committee nitong Biyernes, sinabi ni Espinosa sa komite na may kinalaman ang dating administrasyon sa pagpatay sa kanyang ama.
“Tayong mga Pilipino, nakita natin sa TV na ang dating presidente nagsasabi na patayin nya lahat ng mga nasa narco-list. So pagkaintindi ko, siya talaga ang nag-utos na patayin ang papa ko,” ayon kay Espinosa nang usisain ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.
Pinaslang ang dating alkalde noong 2016 habang nakakulong ito matapos mai-link sa illegal drug trade.
Inakusahan din ni Kerwin si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, at unang PNP chief ng nakaraang administrasyon, na pinilit siya umano nito para aminin ang kanyang involvement sa ilegal na operasyon ng droga at para idawit ang iba pang personalidad kabilang na si dating Senador Leila de Lima.
“Sinabihan ako ni Bato na may basbas ‘yan sa taas at ang ibig sabihin nito ay alam ito ni Presidente Rodrigo Duterte,” dagdag pa ni Kerwin.
“Exactly, Your Honor, sya talaga ang nag-utos sa akin at nagplano kung ano ang mga sasabihin ko sa Senado,” anya pa.