INIHAYAG ng Malacañang na isa si Sen. Manny Pacquiao sa pinagpipilian ni Pangulong Duterte para iendorso bilang pangulo sa 2022 elections.
“Pwede namang dati na maendorso si Senator Pacquiao pero hindi yata nakaantay si Senator Pacquiao,” sabi ni presidential spokesperson Harry Roque nang tanungin ang dahilan ng sigalot sa pagitan nina Duterte at Pacquiao.
Ani Roque, kabilang si Pacquiao sa tatlong pinagpipilian ni Duterte na kanyang ieendorso.
“Noon nilapitan ako ni Presidente na, ‘Spox, kailangan alam mo ito, ang gusto kong tumakbo talaga si Inday Sara pero ayaw talaga. So kinakailangan mamili tayo who has the numbers between sa tatlo. Ang unang-una sinabi niya ay si Senator Manny Pacquiao; pangalawa, Isko Moreno; pangatlo, former Senator Bongbong Marcos,” kuwento ni Roque.
Bago ito ay pinagbantaan ni Duterte si Pacquiao na ikakampanya na matalo sa halalan makaraang sabihin ng senador na masahol ang korupsyon sa kasalukuyang administrasyon. –WC