Palasyo kay Pacman: Unahin ang ebidensya bago boksing

INIHAYAG ni presidential spokesperson Harry Roque na dapat munang maglabas si Senator Manny Pacquiao ng ebidensiya kaugnay sa mga katiwalian sa pamahalaan bago ito umalis ng bansa para sa nakatakdang laban sa Agosto.


“Sana nga po bago umalis si Senator Pacquiao ay makapagsabi siya kung sino ang dapat maimbestigahan dahil ang mensahe ni Presidente ay hindi nito ito-tolerate ang corruption,” sabi ni Roque.


Nauna nang kumasa si Pacquiao sa hamon ni Pangulong Duterte na maglabas ng pruweba kaugnay sa kanyang alegasyong mas talamak ang korupsyon sa kasalukuyang administrasyon.


“Malaman lang niya (Duterte) kung saan merong sunog ay papatayin niya ang sunog na ‘yun,” giit ni Roque.


Nauna nang minaliit ni Roque ang naunang pahayag ni Pacquiao na talamak ang katiwalian sa Department of Health.


“Inaantay ni Presidente ang listahan ng mga umano’y corrupt na ahensiya ni Senator Pacquiao. Gaya ng sinabi ko kahapon na bagamat isa sa mga ahensyang iyon ay DoH ay talaga naman pong naimbestigahan ‘yan fully ng Senado. So, wala pong bago,” aniya. –WC