Pagpapatawag ng Special session pinag-iisipan ni Digong

PINAG-IISIPAN ni Pangulong Duterte ang pagpapatawag ng special session para ipasa ng Kongreso ang mga panukalang makatutulong para maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa Talk to the People Lunes ng gabi, sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) Director General at Socio Economic Planning Secretary Kendrick Chua na irerekomenda ng mga economic managers ang pagpapatawag ng special session sakaling lumala pa ang sitwasyon sa Ukraine dahil sa patuloy na pananakop dito ng Russia.

“Mr. President, if the situation escalates, we could recommend a special session if mag-escalate po,” sabi ni Chua.

Positibo naman ang naging pagtugon ni Duterte.

“Mas mabuti pa siguro kaya pag-isipan na lang natin ‘yan,” dagdag ni Duterte.

Inamin naman ni Duterte na nakapokus na ang mga mambabatas sa pangangampanya.

“Alam mo, so there’s gonna be an election, at after, there will be euphoria. Then nobody’s really focusing on anything except ‘yung pagpalit ng tao, kung ano, reorganization dito, changing of the guards. So that would eat a lot of time,” aniya.