NANINIWALA si Camarines Rep. Gabriel Bordado Jr. na ang pagbisita ni United States Vice President Kamala Harris ay pagpapatunay na lang na malakas ang suporta ng bansa mula sa international community.
Senyales din anya ito na hindi hahayaan ng mga kaalyadong bansa ang pambu-bully na ginagawa ng China sa Pilipinas.
Pinuri rin ni Bordado sina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte sa pagsusulong ng bilateral cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.
Si Harris ang pinakamataas na opisyal ng Estados Unidos na bumisita sa bansa matapos ang pagbisita ni dating Pangulong Donald Trump noong 2017.
Ang ganitong uri ng high-level visit ay itinuturing na pagpapakita ng US ng kanilang masidhing pagsuporta sa economic, diplomatic, at military cooperation sa kanilang mga kaalyado.
Nitong Martes, nagtungo rin si Harris sa Palawan kung saan malapit ang pinag-aagawang West Philippine Sea.
“The visit of Vice President Harris should send a strong signal to countries that do not respect territorial boundaries and continue to bully us in our own seas,” ayon kay Bordado.