Pacman tinuluyan si Quibuloy; P100M hinihinging danyos

SINAMPAHAN ngayong araw ni Sen. Manny Pacquiao ng reklamong cyberlibel si Pastor Apollo Quiboloy na hinihingian din niya ng P100 milyong danyos dahil sa umano’y pagkakalat nito ng fake news ukol sa boxing champ.


Isinampa ni Pacquiao ang reklamo laban sa “Appointed Son of God” sa Makati City Prosecutor’s Office.


Ayon sa senador, ipinalalabas ni Quibuloy na siya ang responsable sa hindi natapos na Sarangani Sports Complex, na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon.


Si Pacquiao ang representative ng Saranggani bago ito naging senador.


“Patawarin ako ng Panginoon pero hindi po talaga ‘yan totoong pastor kasi gumagawa siya ng mga fabricated story. ‘Yung video na kinunan nila, ‘yung pinalabas nila, building po ‘yun nung maliit na bata pa ako, nung 1996 pa,” ani Pacquiao.

“(Pero) ‘yung buildings na ipinatayo natin, hindi pinakita,” dagdag niya. –A. Mae Rodriguez