NILIWANAG ng Department of Agriculture (DA) na tuwing payday lamang nagbebenta ng bigas na P25 kada kilo ang binuksang ‘Kadiwa ng Pasko’ sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa isang panayam sa DZBB, sinabi ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Kristine Evangelista matapos ilunsad ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang ‘Kadiwa ng Pasko’ sa Mandaluyong City nitong Miyerkules, Nobyembre 16, gagawin muli ito sa Nobyembre 29, 2022 hanggang Disyembre 31, 2022.
“Ang ating Kadiwa ng Pasko ay every payday ito, nag-umpisa tayo ng November 16, nag-launch tayo sa iba-ibang lugar, meron sa Mandaluyong, Muntinlupa, Quezon City, Caloocan, Parañaque, Pasay, ngayon meron naman tayo sa Las Pinas, tapos meron tayong naka-schedule sa Navotas, iba-iba pang lugar, Taguig, inaayos pa natin ang iba-ibang location katulad ng Pasig,” sinabi ni Evangelista.
Idinagdag ni Evangelista na bukod sa 11 lugar sa Metro Manila, mabibili rin ang P25 kada kilo ng bigas at iba pang murang bilihin sa Tacloban City, Davao de Oro at South Cotobato.
“Tuloy-tuloy natin itong gagawin every payday, hanggang December 31, 2022. And after December 31,” dagdag ni Evangelista.
Matatandaang nauna nang ipinagmalaki ni Marcos na malapit nang maabot ang P20 kada kilong bigas na kanyang ipinangako noong kampanya.