‘P1B gastos sa political ads ni Imee, Villar sagad-sagarang pang-aabuso’

MARIING binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang ginawang pagwaldas ng P1 bilyon para sa political ads ng mga senatorial candidates na sina Senador Imee Marcos at Las Piñas Rep. Camille Villar bago pa man ang opisyal na pagsisimula ng kampanya para sa 2025 elections.

“Ang ganitong uri ng gastusan ay malinaw na nagpapakita ng garapal na pang-aabuso ng mga dinastiyang pulitikal sa bansa,” ayon sa kalatas ng KMP.

Una nang iniulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), ang P1 bilyon paglustay nina Marcos at Villar para sa kani-kanilang mga political ads noong isang taon.

Halos 50 porsyento ng kabuuang P4.1 bilyon na ginastos sa political ads mula Enero hanggang Setyembre 2024 ay mula kina Marcos at Villar.

“Habang milyun-milyong magsasaka at mangingisda ang nagugutom, heto ang mga Marcos at Villar na naglulustay ng bilyon para sa kanilang kampanya,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP at kandidatong Senador ng Makabayan.

“Ganito ang mukha ng eleksyon na kontrolado ng mga bilyonaryo at mga dinastiya. Kaya mas dapat na igiit na bigyang pagkakaton ang mga progresibo at makamasang kandidato na magpahayag ng kanilang mga plataporma.”

Samantala, sinabi ni Ronnel Arambulo ng Pamalakaya, isa ring kandidato sa pagka Senador ng Makabayan, “ang ganitong maluho at nakakalulang gastusan ay malinaw na pang-iinsulto sa mga Pilipinong naghihirap. Huwag na tayong magtaka kung ang perang ito ay mula sa kaban ng bayan o sa pagsasamantala ng ating likas na yaman. Dapat maging mapanuri ang publiko: saan nanggaling ang ganitong kalaking halaga at paano ito babawiin ng mga Marcos at Villar?”