DAPAT magpaliwanag ang Liga ng mga barangay sa Maynila hinggil sa inilabas nitong P11.6 milyong pondo noong 2020 para bigyang ayuda ang mga opisyal at empleyado sa mga barangay.
Pumutok ang isyu nang kwestyunin kamakailan ni Manila Liga ng mga Barangay Auditor Nelson Ty ang nasabing pondo matapos magreklamo sa kanya ang mga kapwa barangay officials sa kung papaano ipinamahagi ang kontrobersyal na pondo.
Sa resoluyson na inilabas noong Abril 21, 2020, pinayagan ng liga ang paglalaan ng supplemental budget na P11,648,000 para sa implementasyon ng Barangay Amelioration Crisis Assistance Fund (BACAF).
Ang pondo, na nagmula sa seminar saving ng liga, ay inilabas sa gitna ng pananalasa ng coronavirus disease at matapos ideklara ng pamahalaan ang national health emergency.
Ayon sa resolusyon na nilagdaan ng presidente ng liga na si Lei Lacuna at mayorya ng mga opisyal, ang pondo ay para sa mga opisyal at empleyado ng 896 barangay sa Maynila. Nakadetalye rito na tig-P2,000 ang matatanggap ng bawat barangay chairman, habang tig-P500 naman ang bawat kagawad, secretary at treasurer.
Pero kung susumahin, ayon kay Ty, chairman din ng barangay 289 sa Binondo, may tila hindi tama sa kwenta sa pondong inilabas ng liga.
Ayon kay Ty, bawat barangay ay tatanggap ng kabuuang P6,500. Ang barangay chairman ay tatanggap ng P2,000; sa pitong kagawad ay P3,500; at P1,000 sa barangay secretary at treasurer.
“Kaya nga, kung P6,500 kada barangay at meron kaming 896 barangay sa Maynila, lumalabas na P5,824,000 lamang ang kabuuang pondo para rito,” ani Ty na ngayon ay tumatakbo bilang konsehal sa ikatlong distrito ng Maynila.
“Nasaan na yung natitirang P5,824,000?,” dagdag ni Ty.
Nagtataka rin anya siya kung bakit may ilang barangay ang dalawang beses na nakatanggap ng nasabing ayuda.
Sa kanya umanong pagtatanong sa mga kapwa barangay officials, sinabi ng mga ito na marami sa kanila ang hindi nakatanggap ng ikalawang ayuda habang ang iba naman ay talagang walang tulong na natanggap mula sa liga.
Paliwanag ni Ty wala rin umanong tinutukoy sa resolusyon na dalawang beses o dalawang tranches ang gagawing pamamahagi ng ayuda.
“Kaya dapat sigurong magpaliwanag dito ang presidente ng Liga na si Lei Lacuna kung bakit doble ang pondo pero kalahati lang ang natanggap ng maraming barangay at ang iba ay wala talagang natanggap,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi pa ni Ty na maliit lamang ang kinukwestyong pondo kumpara sa laki ng pera ng mga barangay na naibayad sa liga para sa seminar ngunit hindi naman naisagawa bunsod ng pandemya.
Sakabila nito, hindi maibalik ng liga ang perang ibinayad ng mga barangay para sa nasabing seminar.
Katwiran pa umano ng presidente ng liga na si Lacuna hindi na maibabalik ang pera dahil naibayad na ito sa hotel at bus company na sana ay gagamitin sa nasabing seminar. (30)