NAGPALIWANAG si Senador Alan Peter Cayetano na ang ipinangako niyang P10,000 ayuda sa publiko ay isang legislative proposal na kailangan aksyunan ng Kamara at Senado.
Matatandaan na maraming nam-bash kay Cayetano dahil sa pangako nitong magbibigay ng P10,000 ayuda.
Naging trending pa nga ang video ng isang netizen habang naispatan si Cayetano sa isang mall sa Makati City at doon hiningan ng P10,000 ayuda, ngunit nandedma ang senador.
Sa isinagawang oath-taking ceremony ng mga lokal na opisyal sa Taguig, ipinaliwanag din ni Cayetano na ang kanyang inihaing bill ay kakaiba sa privately funded na “Sampung Libong Pag-asa” program na namahagi ng P10,000 ayuda sa mga piling benepisyaryo.
“Sa mga nangba-bash sa 10K ayuda, kung kaya ko lang silang bigyan ng tag-sasampung libo, binigay ko na sa kanila. Pero sa katotohanan ito’y isang legislative proposal,” ayon kay Cayetano.
“So ang hinihingi ko po doon sa mga tumutuligsa sa programang Sampung Libong (Pag-asa) during the pandemic, tumulong na lang kayo,” dagdag pa niya.