OVP babalikan nagsabing ginagamit ni Sara ng personal ang presidential chopper

NAGBANTA ang tanggapan nI Bise Presidente Sara Duterte na kakasuhan ang mga indibidwal na nagsabi na ginagamit nito ang presidential chopper bilang personal na service papunta at pabalik ng Maynila at Davao City.

“Pinag-aaralan namin ‘yan kung magka-qualify ‘yan sa isang kriminal na kaso kasi marami ring nakaloko at nalinlang ‘yong mga ganyang post,” ayon sa spokesperson ng Office of the Vice President na si Reynold Munsayac sa isang video na ipinamahagi nito sa media.

Iginiit ni Munsayac na hindi ginagamit ni Duterte bilang personal na service ang chopper, bukod dito sa Maynila na umano nakabase si Duterte at ang kanyang pamilya.

“Malinaw na malinaw ho na mayroon lang malisyang anggulong ginawa iyong mga tao regarding this matter… Hindi ho totoo iyon kasi Manila-based na ang ating Vice President at ang kanyang pamilya,” ayon pa kay Munsayac.

Malabo rin anyang magamit ito ni Duterte para magbalikan sa Maynila at Davao City dahil sa layo nito.

Gumamit man anya ang pangalawang pangulo ng chopper ay ito ay para sa “official functions” para magampanan ang kanyang trabaho nang maayos.

Nag-ugat ang mga usap-usapan sa social media matapos mag-post ang bise presidente na pinasasalamatan si Pangulong Bongbong Marcos na nagpahiram sa kanya ng chopper para makasama ang kanyang mga anak.

“Thank you [President Bongbong] and your 250th [Presidential Airlift Wing] for ensuring that wherever I may be found in the country during the day, I am home in time to tuck my children to bed,” pahayag ni Duterte na kinalaunan ay pinagpiyestahan ng mga kritiko ng pamahalaan.