SINUSPINDE ng Office of the Ombudsman si National Irrigation Administration (NIA) Administrator Benny Antiporda ng anim na buwan na walang bayad matapos sampahan ng kaso ng mga empleyado ng NIA.
Kabilang sa mga kasong administratibo na isinampa kay Antiporda ay grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of service, oppression, at ignorance of the law.
Base sa mga reklamo laban kay Antiporda, ipinapahiya umano niya ang ilang empleyado ng NIA at inililipat sa ibang katungkulan nang walang basehan.
Pinagbabawalan din umano niya na makabiyahe ang ilang pinag-iinitang manggagawa.
Kabilang sa mga nagreklamo ay mga empleyado na gumawa ng kanyang airconditioning unit sa kanyang bahay na kanya umanong pinagbabantaang hindi ire-renew ang kontrata kundi matatapos agad ang kanilang trabaho.
Nakatakda namang magsagawa ng press conference si Antiporda ngayong araw kaugnay ng kanyang suspensyon.