NTF-ELCAC spokesperson sinuspinde muli ng FB, nagbanta

PAPAPANAGUTIN ni Undersecretary Lorraine Badoy ang Facebook dahil sa magkasunod na suspensyon ng kanyang account na aniya ay paglabag sa kanyang karapatan sa pamamahayag.


“Iyon ang totoong gag order,” ani Badoy makaraan muling suspindehin ng Facebook ang kanyang account ilang araw lang matapos ma-lift ang isang buwan restriction dito.


“I cannot engage, I cannot like, I cannot comment. I cannot post,” ani Badoy, ang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at undersecretary para sa New Media and External Affairs ng Presidential Communications Operations Office.


Aniya, nalilito siya sa community standards ng Facebook.


“It’s almost 100 percent that the posts that I get into trouble with are my anti-CPP-NPA-NDF posts that are factual. It’s the official stand of the government,” giit niya.


“Umaabot na kami sa punto sa gobyerno na nagcu-cull na kami ng mga cases kung saan pwede na sigurong papanagutin na itong Facebook kasi we’re talking about matters of national concern already. We’re hoping that we can get to that point because it’s really worrisome,” paliwanag ng opisyal.


Hindi naman niya tuwirang sinabi kung sasampahan niya ng kaso ang Facebook. “We’re not there yet,” aniya.


Kamakailan ay inireklamo ng Alliance of Health Workers (AHW) si Badoy sa Civil Service Commission (CSC) at sa Ombudsman makaraan nitong tawagin na communist front ang kanilang organisasyon.