Naglabas ng video ni Roque kakasuhan?

MAAARI umanong kasuhan ang indibidwal na naglabas ng video ni presidential spokesperson Harry Roque na sinesermunan ang grupo ng mga doktor.


Ayon kay Roque, pwede itong sampahan ng kasong paglabag sa Anti-Wiretapping Act.


Pero, dagdag niya, nakadepende ang desisyon sa Inter-Agency Task Force.
“Sa tingin ko po liable, at liable din po for revealing public secrets. Pero hahayaan ko na po ‘yan sa IATF at ‘yan naman po ay napag-usapan sa IATF,” ayon sa opisyal.


Inamin naman niya na wala siyang ideya kung sino ang nagpadala ng nasabing video sa Philippine Daily Inquirer.


Kamakailan ay lumabas ang video ni Roque na galit na galit na pinagsasabihan ang grupo ng mga doktor na humirit ng mas istriktong quarantine status sa Metro Manila. –A. Mae Rodriguez