INUTUSAN ng militar ang Communist Party of the Philippines na isuko ang dalawa nilang pinuno at mga responsable sa pagpatay sa football player na na Keith Absalon at pinsan nito.
“Ang ating hamon sa mga grupo na humihingi diumano ng paumanhin sa pangyayaring ito at nangangako na naman na sila’y magbabayad o magbibigay ng kompensasyon—isuko nila ang mga involved sa pagpatay na ito, sa murder na ito,” ani Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo.
“At hindi lamang ito dapat hihinto sa mga mismong nagpasabog nito, kundi sa kaniyang mga pinuno. Dapat kasama sila… kasama si Ginoong (Jose Maria) Sison at Ginoong (Luis) Jalandoni,” dagdag niya. Si Sison ang founder ng CPP habang si Jalandoni ang senior adviser ng National Democratic Front.
Noong Martes ay inako ng CPP at ng New People’s Army ang pagkamatay kay Keith at sa pinsan nitong si Nolven Absalon, 40, sa Masbate kamakailan.