IPINASISIBAK sa Malacañang ng mga senador si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., ang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), matapos nitong ihambing ang Maginhawa community pantry organizer na si Ana Patricia Non kay Satanas.
Ani Senate President Tito Sotto, dapat tanggalin sa puwesto si Parlade dahil sa pagiging iresponsable nito.
“We should not be hasty in blaming a good program because of irresponsible statements from some officials. Replace the officials instead,” aniya. (Pero) kapag ayaw tanggalin at saksakan ng lakas sa Palasyo, then defunding is the recourse.”
Naniniwala naman si Sen. Francis Pangilinan na sinisira ni Parlade ang imahe ng Armed Forces of the Philippines.
“Kung sa ganyang baluktot na pag-iisip at palakad napupunta ang P19 bilyong pisong budget ng NTF-ELCAC, dapat bawiin na ito at ibigay sa ayuda ng mahihirap,” aniya.
Para kay Sen. Nancy Binay, napapanahon na para ilipat ng puwesto si Parlade.
“Since kinakapos tayo sa pandemic response baka mas maigi from profiling, e mag-contact tracing na lang for Covid-19 si Gen. Parlade. Mas may pakinabang siya doon,” ani Binay.
Samantala, winarningan ni Senate Committee on Finance chairman Sonny Angara, na siyang namumuno sa budget deliberation sa Senado, si Parlade sa mga pahayag nito.
“With his statements, he is becoming a liability to the NTF-ELCAC since he is turning off the legislators who will approve their budget,” aniya. “They might want to be more circumspect and cautious in their future statements as there are consequences.”
Hindi na rin sigurado si Sen. Panfilo Lacson, na siyang nag-sponsor ng budget para sa task force noong 2016, kung irerekomenda niya uling bigyan ito ng pondo sa susunod na taon.
Bago ito, nagkaisa sina Sen. Joel Villanueva at Sen. Sherwin Gatchalian na dapat ilipat ang P19 bilyon na budget ng task force sa mga programang may kinalaman sa Covid-19.